Sunday, July 17, 2011

Respeto sa Paggamit ng Lenguahe?

Naalala ko lamang nitong nakaraan na noong huling pumunta kami sa probinsya ng aking ama sa Mindanao ay sumakay kami ng barko at may kakatuwang bagay lang akong napuna noon. Noong kami ay mga nasa barko pa lamang ay maririnig mo na ang lahat na sakay doon ay tagalog pa ang salitang kanilang ginagamit subalit mapupuna mong bigla na lamang na unti-unting nagbabago ang lahat noong nakaabot na ng Visayas ang barkong aming sinasakyan, maririnig mo ang mangilan-ngilan na hindi na tagalog ang lenguaheng kanilang ginagamit, napapalitan na unti-unti at nagiging bisaya na at nang nagbabaan na ang mga tao ay mapupuna mo na halos lahat ay bisaya na ang lenguaheng ginagamit. Ganoon rin naman ang pangyayari noong kami ay pabalik na ng maynila, unti-unti at dahan dahan ding nagiiba ang pananalita nila at nagigiging tagalog na ulit.

Nakakatuwa lamang dahil kung iisipin mo na dapat nga naman na ang tao ang mag-adjust sa lugar na kinaroroonan niya at ganoon na din sa lenguahe na gagamitin (maliban na lamang kung hindi ka marunong ng ganoong lenguahe). Isang kabutihang asal nga rin sigurong maituturing ang pag-gamit ng angkop na lenguahe base sa lugar na kung saan ka naroon at depende na din sa mga tao na kasama mo. Kabastusan nga naman na gagamit ka ng ibang lenguahe na alam mo namang hindi maiintindihan ng iba. Halimabawa na lamang sa amin sa bahay dati, karamihan ng aminig kasambahay ay galing sa Mindanao subalit sinabihan sila ng aking ama na magtagalog dahil nga sa hindi kami marunong magbisaya, at kahit na sabihin na nakakaintindi ako ng kaunti ay hindi pa rin iyon sapat na dahilan upang gumamit ng ibang lenguahe na hindi naman maiintindihan ng iba. Kahit na sabihin mong hindi sila kasali sa usapan ay dapat pa rin naman nilang bigayan ng respeto ang mga tao sa paligid nila. Isipin mo na lang na paano kung ang mga tao na nasa paligid mo ay biglang gumamit ng ibang lenguahe na hindi mo alam at di mo maintindihan, halimbawa hindi ka marunong o makaintindi ng bisaya, tapos karamihan sa mga taong nasa paligid mo bigalng nagbisaya? Ano kaya ang mararamdaman mo?

Kaya nga nais ko ring matuto ng iba't ibang lenguahe upang pag-pumunta ako sa isang lugar ay maaari kong gamitin ang lenguaheng kanila ring ginagamit dahil sa aking pananaw ay ito ay halimbawa ng pagpapakita ng respeto sa kanila..

Kayo? Ano ang sa palagay nyo? Tama nga bang dapat na gumamit ng lenguahe na kung saan ay maiintindihan ka ng lahat base sa lugar?

Thursday, June 30, 2011

Inasal at iba pa!

Inasal at Iba pa! (Robinsons Metro East)


Noong araw nga ng kalayaan ay nagtanghalian kami sa "Inasal at Iba pa!" sa Robinsons Metro East, at kawangis din ng iba pang kainan na may kinalaman sa inasal na manok ang itsura ng kanilang lugar. Sa aking pananaw ay bahagyang masikip sa loob nito, marahil dahil sa maraming tao. Habang ikaw ay nasa loob ay mapapansin mong bahagyang mausok ang lugar, marahil siguro ay dahil na rin sa pagiihaw nila ng mga manok.

Araw ng Linggo kami pumunta roon at dahil nga sa araw ng linggo ay madaming tao, matagal din kaming naghintay sa labas upang makakuha ng mauupuan, marahil mga 10minuto kaming nakatayo sa labas at naghihintay. Nang kami ay makaupo na, ay nagbigay na kami kung anu-ano ang mga bibilhin namin, at syempre matagal nanaman kaming naghintay upang linisin nila ang lamesa na may pinagkainan pa ng mga nauna sa amin umabot pa siguro ng 10-15minuto bago natanggal ang mga napagkainan. At matapos nilang ligpitin ang mga pinagkainan ay bahagya lamang nilang pinunasan ang mesa, kaya kapansin pansin pa rin ang mga duming natira sa mesa.




Matagal kaming naghintay sa mga pagkaing napili namin, mga 45minuto at nang nilagyan na ng pinggan, kutsara at tinidor ang mesa na kinalulugaran namin, ay kapansin pansin din ang di malinis na pagkakahugas sa plato. Napansin ko na may kanin kanin pang nakadikit at mayroon pang animo'y uling na dumi sa plato. Napailing nalamang ako at nilinisan na lamang ang mga plato, kutsara at tinidor. Sayang at hindi ko na nakuhanan ng litrato ang mga iyos dahil sa gutom na din ako, nagsimba kasi kami ng alas-11 ng umaga at natapos ng alas-12 ng tanghali at 15-20 minuto bago kami nakarating sa Inasal at Iba pa! at anong oras na kami nakakain? mga 1:50pm na.

Sa pagkain naman, lasang ordinaryong inihaw na manok lamang ang manok nila (dahil na rin marahil sa gutom ko), walang kakaibang lasa na naanoon lamang sa labas na bahagi ng manok at di na umabot sa loob kaya kinakailangan na talaga ng toyo at kalamansi na sawsawan. At katulad nga ng Mang Inasal ay mayroon din silang mga bote ng suka, toyo at mantika ng manok, subalit ang napuna ko ay hindi ata iyon matika ng manok kung di para lamang mantika na may atsuete dahil sa wala gaanong lasa ng manok. Ang kare-kare naman nila ay ganoon din ordinaryo lang ang lasa, di masyadong malasa ang mani, walang kakaibang lasa. Katulad din nga ng iba ay "rice all you can" din sila, yun nga lang maghihintay ka ulit ng matagal bago ka makakuha ng kanin dahil nga sa hindi ka talaga papansinin ng mga crew doon at sasabihan ka pa ng "sandali lang po ah, at ako lang kasi magisa ang nagaasikaso.." at yun ang isang malaking pagkakamali nila, alam naman nilang madaming tao tuwing linggo, subalit ang dalawang tao na nagsisilbing waiter ay sila na din ang taga ligpit at tagalinis ng mga pinagkainan, nakakainis lamang isipin na sa pagitan ng kanilang ginagawa ay di man lamang nila magawang maghugas ng kanilang kamay. Maging ang kanilang Manager(di ko sigurado kung manager yun or siya yung may-ari) ay di man lamang din magawang maghugas ng kamay matapos magligpit ng pinagkainan. Masyado pa naman akong maselan sa kalinisan lalo na kung may kinalaman sa pagkain.


Inasal na Manok


Fruit Salad

Halo-halo

At sa panghimagas, kumuha kami ng halo-halo at fruit salad, kakaiba ang lasa ng fruit salad nila, parang di condense milk ang ginamit dahil sa maligasgas na texture nito sa dila at sa halo-halo naman di ko masasabing masarap dahil wala namang kakaiba sa lasa nito. Pero bilib ako sa tigas ng Fruit salad nila dahil sa ibinigay ito kasabay ng manok at kare-kare subalit matapos namin kumain at matigas pa rin, marahil ay dahil na din sa sangkap na ginamit dito. At hanbang kami ay kumakain ng panghimagas ay kinuha na rin namin ang bill namin dahil malamang matagal nanamang hintayan iyon.


Rating: 2/10
Bakit? Una sa lahat nasa food service sila, at dapat panatilihin nilang malinis ang lahat ng bagay; sahig, mesa, upuan, plato, kutsara at tinidor dahil sa iyon ang magigiging basehan ng karamihan ng tao sa linis ng kanilang pagkain. At dapat nagtalaga sila ng tao na taga linis lamang ng mga pinagkainan at iba pa ang taong maghahain ng pagkain dahil kung iisipin din naman ang pangit lang tingan na yung kamay nila ay humawak ng basahang pinampupunas sa mesa at yung kamay din na iyon ang magdadala ng pagkain mo ng wala man lamang nagaganap na paghuhugas ng kamay. Ikalawa dapat sana nagtalaga sila ng mas madaming tauhan tuwing sabado at linggho dahil alam naman natin na madaming tao sa mga araw na iyon di sana naghihintay ng sobrang tagal ang mga costumer nila.

Uulit pa ba ako? Hindi na. Maliban na lamang kung babaguhin na nila ang pagpapalakad nila.

Sunday, June 12, 2011

Araw ng Kalayan 2011

Maaga kaming nagsimba ngayon kumpara sa ibang araw ng linggo. Matapos naming magsimba ay pumunta kami sa Robinsons Metro East upang bumili ng mga bagay na kailangan sa bahay at syempre upang doon na din magtanghalian. Pagdating namin doon ay sandaling nagikot-ikot kami upang hanapin ang tindahan umano ng mga kandila upang bumili ng oil para sa oil lamp namin. At dahil nga tanghalian na ay nagikot-ikot na din kami upang maghanap ng makakainan, matapos namin mmaghanap ng makakainan ay nagpasya na kaming kumain sa "Inasal at iba pa" na nasa level 4 ng mall.

(ang review ko po para sa Inasal at iba pa ay sa susunod na blog post.. ^^)

Matapos naming kumain ay nagpunta kami sa Blade upang bumili ng trapal para sa sasakyan at pati na rin ng car freshener at si Farrell ay nagpunta na din sa katabi nitong tindahan na nagtitinda ng mangilan na sport accessories. Matapos naming bumili ay nagikot-ikot na ulit kami upang hanapin ang tindahan ng mga kandila para sa oil lamp, subalit bigo kami na makita pa ang tindahan na iyon sa loob ng mall. Dahil nga wala na ang tindahang iyon ay nagpasya kami ni Farrell na humiwalay na muna sa kanyang mga magulang upang pumunta sa Toby's upang humanap ng air pump para sa kanyang bola ng basketball. Dahil nga mas nagustuhan nya yung air pump sa unang tindahhan na nauntahan namin kaysa sa naandon sa Toby's ay nagpasya siyang bumalik doon. Sa pagpunta namin doon ay napadaan kami sa Max's at di ko napigilan sarili ko na bumili ng meregue at sumunod na rin ako kay Farrell at matapos noon ay nakatanggap kami ng text message galing sa kanyang magulang upang ipaalam sa amin na nasa grocery sila at noon nga'y pumunta na rin kami roon.

Pagkatapos naming mag-grocery ay natuwa kami sa mga taong nakasuot ng costume na robot ng Transformers.







Tatlo lang po talaga yung mga naka robot na costume at buti na lamang at dala ko si camera. Matapos namin silang kunan ng litrato ay nagpasya na din kaming umuwi at sa byahe namin pauwi ay bugla kami nalubak sa kalsadang giniba at tinagpian ulit ng MWSS sa kahapaan ng Imelda Avenue at lahat kami kasama na ang aming mga pinamili ay biglang napatalbog sa lagapak na dulot ng lubak na iyon. Dahil sa lubak na iyon ay nabasag ang mga itlog na pinamili namin, sa kabutihang palad anim na pirasong itlog lamang ang binili namin at ang tatlo noon ay nabasag. At para hindi masayang ay gumawa na lamang ako ng french toast gamit ang mga tinapay na putok.




Ilalagay ko po din ang sangkap at paraan ko kung maano ko ito niluto sa mga susunod kong blog. Dahil nga po sa mahilig talaga ako sa matatamis ay nilagyan ko pa ang ng pancake syrup ang kinakain kong french toast.

Isipin na lamang nating lahat na kung hindi natin natamo ang kalayaan noong Hunyo 12, 1898 baka hanggang sa ngayon ay mapipigilan tayong gawin ang mga bagay na nais nating gawin. Baka hindi na rin ako nakakapagblog sa ngayon dahil sa takot sa mga mananakop o kaya ay maaaring tinutugis o natugis na ako ng mga sundalo dahil sa mga negatibong bagay na nababanggit at nabanggit ko sa mga nakaraan kong blog. Mahilig pa naman akong pumuna ng mga maling bagay na madalas kong napapansin sa aking paligid. Kaya dapat tayong magpasalamat at nagkaroon tayo ng kalayaan, kalayaan sa sarili nating bansa. Pero sana makamtan ng bawat isa sa atin ang kalayaang hinahangad ng bawat puso, isip at kalooban, maging pisikal man, emosyonal o spiriitual. Dahil kahit na naging malaya tayo sa mga nanakop sa atin noon ay may mga tao naman na hanggang ngayon ay tinatanggalan pa rin ng kalayaan ng mga taong mapangapi sa kapwa.

Kayo? Anu-ano ang mga ginawa ninyo noong araw ng Kalayaan?

Saturday, June 11, 2011

ika-11 ng Hunyo, Taong 2011

Kanina ay pumunta kami ni Farrell sa SM Marikina upang tingnan ang nagaganap na cosplay doon at para bumili ng shorts. Dahil nga sa hindi kalakihan ang lugar ay masikip sa lugar dahil na din sa ipinipilit ng mga kwardya na magsiksikan sa iisang lugar ang mga tao ay umalis na lamang kami upang kumain. Pumuna kami sa chowking upang kumain ng Chinese-style fried chicken nila, dahil gusto din naming malaman kung ano nga ba ang lasa ng manok nila. At ano nga ba ang lasa? Sa aming pananaw parang lutong bahay na fried chicken ang kanilang manok at hindi naman din malutong. Matapos namin kumain ay pumunta na kami sa Department store upang maghanap ng maaari naming iregalo sa Daddy ni Farrell. Subalit dahil hindi kami makakita naisipan na lang naming huwag bumili. Nakakita ako ng mga bag na on-sale at binalak kong bumili at dahil nga daw sa kakabili ko lamang ng mga bag nito mga nakaraang linggo ay sinabihan ako na huwag na bumili. Pero syempre nakabili din kami ng mangilan na bagay; hair band, 60ml ph care feminine wash (pink), 180ml L'oreal Paris Nutri Gloss Hair Conditioner, 100ml L'oreal Paris Men Expert Anti Sebum Cleansing Foam at scotch tape na pinabibili ng mommy ni Farrell.





Matapos naming bayaran ang pinamili namin ay napagpasyahan na namin na kumain sa KFC ng chicken. Bumili kami ng box of six na chichen na may kasamang 3pcs rice, 3 fixins, 3 drinks (P399) subalit dahil ayaw kumain ni Farrell ng kanin, pinapalitan na lamang namin ng bread yung dalawang rice. Matapos namin kumain ay bundat na kami at inaantok pa kaya nagpasya kaming magikot-ikot pa ng kaunti at matapos nito ay nagpasya kaming bumalik sa Village upang magmasid sa mga computer shop na nasa Village namin. At dahil nga sa pagod na kami ay nagpasya na rin kaming umuwi matapos naming magcomputer sa isang computer shop. Hindi na rin kami nakapag-computer sa ikalawang computer shop na napuntahan namin dahil sa amoy sigarilyo ang loob, at dahil nga sa may hika ako kailangan ko iyong iwasan. Binalak pa namin na pumunta pa sa ilang computer shop hanggang sa nagdesisyon na lamang kaming umuwi.

Nakakapagod na araw ito subalit masaya din naman dahil nakalabas ulit kami ng bahay matapos ang ilang araw. ^^

My Tamagoyaki Recipe

Ingredients:

3 large eggs
4 tbsp Sugar (gusto ko ng matamis na tamagoyaki ^^)
1 tbsp Mirin (rice wine)
1/4 tbsp Soy sauce (mas ok kung light soy sauce)
Salt to taste
Cooking Oil

Materials Needed:
Non-stick Square Pan (hindi po talaga square yung shape nung pan namin, rectangular)
Bamboo Mat (pero ok lang din kung wala)
Paper Towel
Food Turner
Mixing Bowl
Wisk (pwede na ding tinidor)
Brush (cooking brush para po sa pagpahid ng mantika sa kawali)
Knife (yung matalas na kutsilyo po sana ang gamitin)



Una ilagay lahat ng mga sangkap sa mixing bowl (maliban lang po sa cooking oil) at haluin ng maayos gamit ang wisk o tinidor hanggang maging pantay na ang kulay nila. Matapos nito ay painitan na ang non stick square pan sa medium heat at sa pamamagitan ng cooking brush ay bahagyang lagyan ng mantika ang square pan. Syempre bago ko lutuin lahat tinitiyak ko na ayos sa akin ang lasa ng lulutuin ko (kaya para po hindi kayo magsisi sa mga ibinigay kong sukat ng asukal, mirin, soy sauce ay paunti-unti nyo lang pong ilagay), ang ginagawa ko ay nagluluto muna ako ng kaunting mixture sa kawali (mga 1/4 - 1/2 tbsn) at tsaka ko dadagdagan kung kulang ang lasa bago ko lutuin lahat.

Kung ayos na sa panlasa ninyo ang egg mixture ay maaari na nating lutuin ang tamagoyaki. Huwag ninyong asahan na magigiging perpekto na agad ang tamagoyaking inyong lulutuin, lalo na kung hindi kayo sanay magluto, pero katagalan din naman ay makukuha na din ninyo kung paano ang tamang pagluto nito. Bahagyang lagyan nyo ang 1/4 ng egg mixture nyo sa kawali at sa pamamagitan ng cooking turner o kaya ng tinidor ay dahandahan at paunti-unting hahaluin ang egg mixture sa kawali upang maluto at di masunog ang linuluto pero siguraduhing hindi magugulo ang hugis ng itlog na niluluto. At pag luto na ang egg mixture ay dahan-dahang itupi-tupi o igulong gulong ang egg mixture sa 5-6 na beses depende sa gusto ninyo at dalhin papunta sa kabilang dulo. Lagyan ulit ng mantika ang kawali gamit ang cooking brush at ilagay ulit ang 1/4 egg mixture sa bakanteng lugar sa kawali at bahagyang angatin ang lutong egg mixture upang malagyan din ang ilalim nito ng egg mixture. Haluin ulit ang nilulutong egg mixture (syempre di na po kasali dito ang nasa ilalim nang lutong tamagoyaki). Itupi-tupi o igulong-gulong ulit ito mula sa lutong tamagoyaki papunta sa kabilang dulo at matapos nito ay ibalik na ulit sa kabilang dulo. Gawin ulit ang prosesong ito hanggang sa maubos na ang egg mixture.

At habang mainit pa ang tamagoyaki ay ilagay sa paper towel (dahil ayaw kong maging mamantika ang aking tamagoyaki) at ilagay sa bamboo mat at tsaka hulmahin ng dahan dahan ang tamagoyaki. Kung wala naman pong bamboo mat ay maaari na lang ding gamitin ang paper towel sa paghulma ng tamagoyaki. Hintayin na bahagyang lumamig bago tanggalin ang paper towel at bamboo mat sa tamagoyaki. Matapos nito ay maari na itong hiwain depende sa lapad na gusto ninyo at ilagay sa plato.

Para sa heart shape na tamagoyaki, hiwain ang hiwang tamagoyaki ng pahalang at ibaliktad ang isang bahagi at idikit ulit sa kabiyak niyang parte. ^^

Thursday, June 9, 2011

Sinangag, Sausage at Tamagoyaki

Kaninang tanghali ay di ko alam kung bakit ko naisipang gumawa ng tamagoyaki. Kasabay ng pagluto ko nito ay nagsangag din ako ng bahaw na kanin at nagluto ng sausage na nasa lata. Pasado alas-2 na ng hapon ay hindi pa ako nagtatanghalian, marahil ay dahil na din sa alas-11 na ako kumain ng almusal. Naisipan kong isangag na ang natira naming kanin noong nakaraang gabi, madalas bago ko isangag ang bahaw na kanin ay pinapainitan ko muna, ginagawa ko iyon upang mas maamoy ko kung may amoy na yung kanin. Mas madali ko kasing naaamoy kung sira na yung kanin o hindi pa sa ganoong paraan. At dahil hindi pa naman sira ay pinagpatuloy ko na ang aking pagluluto.

Linagyan ko na muna ng mantika ang kawaling aking gagamitin sa pagsangag ng kanin at matapos nito ay kinuha ko ang garlic press at nagpisa na ako ng bawang. Mahilig ako sa bawang hindi ko at hindi ko alam kung bakit, basta isang araw mahilig na lang ako sa bawang. Matapos maging kulay kayumanggi na ang bawang inihalo ko na din ang kanin at konting asin. Habang hinihintay kong uminit ang niluluto ko ay nagsimula na akong maghalo ng mga sangkap para sa tamagoyaki (ilalagay ko sa susunod na blog ko ang mga kasangkapang ginamit ko sa kaing tamagoyaki). Nang maluto na ang sinangag isinalang ko na ang kawali para sa tamagoyaki at sinumulan ko na ring lutuin. Pagkatapos kong lutuin ang tamagoyaki ay ipinatong ko na sa paper towel at ibinalot ko iyon sa tamagoyaki at hinulma ko na habang mainit pa. Isinunod ko na din ang pagluto ko sa sausage at dahil isa kaong tamad na bata, ang gunting na ginamit ko sa pagbukas ng lata ay siyang ginamit ko din upang gupitin ang sibuyas. Tama po ang basa ninyo, ginupit ko ang sibuyas sa malliliit na piraso at siya kong isinama sa linuluto ko, linagyan ko din syempre ng bawang. Matapos noon ay kumain na ako ng sinangag at sausage, hinintay ko na lamang na bahagyang lumamig ang tamagoyaki na niluto ko. Nang napansin kong mejo malamig na, marahan kong hiniwa at ilinagay sa plato. Matapos kumain ay hinugasan ko na ang mga pinagkainan at pinaglutuan ko.

Hindi ko masasabing mahilig akong magluto, pero natuto akong magluto dahil sa abnormal na panlasa ko at dahil na rin sa mahilig akong kumain. ^^

Bagong Buhay, Maging Posetibo

Alam kong ilang buwan na din akong hindi nakakapagsulat dito, marahil dahil sa wala akong maisip na posetibong maari kong ibahagi sa iyo. Sa ngayon naisipan kong gawing isang talaarawan na lamang ito tungkol sa mga bagay na naganap sa akin sa araw na iyon. Marahil sa pamamagitan noon ay mas makakapagsulat ako ng mas madalas.

Marahil ay hindi ko na maiiwasan ang mga posetibong bagay na maaari kong maisulat subalit sa aking pananaw, kailangan ko na ring maging posetibo o di kaya ay mabawasan ang pagigiging negatibo ko.

Kaya sana po ang maunawaan nyo ang pahayag kong ito, alam kong mahirap umisip ng posetibo lalo na kung ang madalas nating napupuna sa ating paligid ay negatibo.